ANG KONSEPTO NG DIYOS AYON SA QUR'AN

Isa sa pangunahing haligi ng pananampalataya ng isang muslm ay ang paniniwala sa ganap at lubos na kaisahan ng diyos.

Sa wikang ginagamit ng mga muslim na arabik ito ay tinatawag na TAWHIDULLAH. Ito ay nangangahulugan ng pagkilala at pananatili ng kaisahan ng Diyos sa lahat ng gawain o paggalaw ng tao na tuwiran man o di-tuwirang umuugnay sa panginoong diyos. Ito ay paniniwala na ang diyos ay ganap na wagas at malinis na walang kasalo, walang anak o asawa at walang kahati o kaugnay sa kanyang pagiging isang diyos. Sa kanyang kapangyarihan, o maging sa kanyang pangalan at kapamahalaan, siya ay tanging nag-iisa. Ang kaisahan ng diyos na tinatawag na "Tawhidullah" sa arabik ay binubuo ng tatlong pangunahing aspeto o bahagi ng nagbibigay linaw sa tunay na kahulugan ng "Kaisahan ng Diyos". Ang tatlong aspet o bahaging ito ay magkakaugnay, magkakasama at hindi maaring paghiwa-hiwalayin sa kahit anupamang antas o pamamaraan. Ang pag-alis ng isa tatlong aspeto na ito ay hindi nakatupad sa tunay na diwa at ganap na kahulugan ng salitang "Kaisahan ng Diyos" o yaong tinatawag sa arabik na "Tawhid".

Ang tatlong aspeto ng Kaisahan ng Diyos "Tawhid" ay inilalarawan sa mga sumusonod:

1. TAWHID AR-RUBOOBIYAH:

Ang pananatili ng Diyos sa pagiging isa bilang tanging tunay na panginoon.

2. TAWHID AL ASMA WAS-SIFAAT:

Ang pananatili ng Diyos sa pagiging isa sa kanyang pangalan at mga katangian.

3. TAWHID AL IBADAH:

Ang pananatili ng Diyos bilang tanging diyos na dapat pag-ukulan ng tapat na pagsamba.

Ang pangangailangan ng masusing pamamaraan sa aspeto ng "Kaisahan ng Diyos" ay tinangka pagkaraan nang ang Islam by lumaganap sa iba't-ibang lupain. Likas sa tao na kapag ito ay umanib sa Islam, maaring dala-dala pa rin niya ang nalalabi o natitirang dating maling paniniwala. At kung ang bagong umanib sa Islam ay magbigay ng pahayag tungkol sa iba't ibang konsepto ng Diyos, hindi maiiwasan ang pagkalito o paglihis sa ilalim ng simple at malinis na kaisahang paniniwala ng Islam. Kayat maingat na binigyang linaw ang tunay na kahulugan ng konsepto ng Diyos sa Islam batay sa Huling aklat ng diyos- ang AL QUR'AN.